Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat ng nangyari sa World Youth Congress 2025. Punong-puno ang puso ko ng tuwa, pasasalamat, at higit sa lahat, ng presensya ni Lord. Iba-iba talaga ‘yung experience na hindi mo lang nakita, kundi dama mo talaga si Lord. Hindi lang ako basta umattend. Na-encounter ko siya.
Bago pa man magsimula ang WYC, marami akong iniisip. May mga tanong akong paulit-ulit na tinatanong sa sarili, pero hirap akong ibahagi sa iba. May mga takot akong hindi ko maintindihan, at mga pangarap na parang hindi ko maabot. Pero sa unang araw pa lang, sa mismong pagdating namin, ramdam ko na ang kilos ng Diyos. Kahit nagkaroon ng mga problema sa transportasyon, gumawa Siya ng paraan. Parang may bumubulong sa puso ko: “Anak, andito Ako. Hindi ka nag-iisa. Matagal Ko nang inihanda ang sandaling ito para sa’yo.”
Sa bawat worship, sa bawat tawa, sa bawat iyak ramdam na ramdam ko ang presensya Niya. Tuwing worship, lalo na kapag nakapikit ako at nakataas ang kamay, literal kong naramdaman ang pagmamahal Niya. Hindi lang sa mga kanta kundi sa bawat katahimikan, sa bawat patak ng luha, sa bawat tibok ng puso ko parang sinasabi Niya, “Anak, nakita Ko ang mga luha mo. Alam Ko ang bigat sa puso mo. Pero heto Ako. Hindi Kita iiwan.”
Bawat kanta, bawat lyrics, parang may sariling mensahe sa akin. Parang tugon Niya sa mga dasal kong hindi ko na mabigkas. Hindi lang ito simpleng emosyon. Ito ang presensya Niya.
Isa sa mga pinakamatinding realization ko ay kung gaano kalalim ang pag-asa na binibigay ni Lord. Sa dami ng problema at takot na dala ko, ang dami ko ring moments sa Congress kung saan sinabi ko kay Lord, “Lord, pagod na ako. Sayong-Sayo na lahat.” Biglang gumaan ang pakiramdam ko. Hindi ko maipaliwanag pero parang may yumayakap sa akin, at alam ko si Lord ‘yon. Hindi lang Siya basta nakikinig, nakikinig Siya habang niyayakap ang puso ko.
Pero higit pa sa worship at prayer moments, isang bagay talaga ang nagpatibay ng pag-asa ko kay Kristo, ang mga taong ipinakilala Niya sa akin. Totoo pala talaga na ginagamit ni Lord ang ibang tao para ipadama ang pagmamahal Niya. Isa sa kanila ay si Ate Cath. Ibang klase siyang makinig. Hindi lang siya basta nagbigay ng advice, nagbigay siya ng oras, atensyon, at puso. Doon ko lalong na-realize, kapag si Lord ang nagpadala ng tao sa buhay mo, hindi ka Niya pababayaan. Pinaparamdam Niya sa atin ang pagiging anak Niya sa pamamagitan ng pagmamahal ng iba.
WYC 2025 also reminded me that I belong. I found new friends and shared stories that healed me. Sa pakikinig sa kwento ng iba, nakita ko na hindi lang pala ako ang may pinagdadaanan. Iba-iba man ang sitwasyon namin, pare-pareho kaming may pinanghahawakang Diyos—isang Diyos na tapat, mapagmahal, at kailanman ay hindi tayo iiwan.
Isa sa pinakaespesyal na karanasan ko ay ang makapag serve sa Mass bilang usherette. Maraming mga tao na puwedeng mapili upang mag serve sa Mass pero isa ako sa napili Niya. Ang akala kong simpleng role ay naging isa sa mga pinakamalalim kong encounter. Sa bawat pagtayo ko, sa bawat pagtulong ko sa mga kapwa kong dumadalo, ramdam ko ang kapayapaan. Parang sinasabi ni Lord, “Anak, ginagamit Kita. Mahalagang bahagi Ka ng plano Ko.”
Pangarap ko rin sanang makasali sa dance ministry. Hindi lang dahil gusto kong sumayaw, kundi dahil gusto kong ipahayag ang pagmamahal ko kay Lord sa pamamagitan ng galaw at saya. Para sa akin, ang pagsayaw ay isang uri ng worship. At ibang klase talaga ang saya kapag alam mong ang bawat galaw mo ay para sa Kanya.
Ngayong tapos na ang WYC 2025, dala ko ang isang malinaw na mensahe mula sa Diyos: “Anak, may plano Ako para sa’yo. At habang ikaw ay nabubuhay, hawak Kita.” Mula sa Day 1 hanggang sa huli, nakita ko ang pagkilos Niya sa maliliit na bagay at sa mga malalalim na karanasan. WYC wasn’t just an event. It was a turning point, a sacred milestone, and a divine moment where God reminded me that I am loved, chosen, and never alone.
At sa bawat araw mula ngayon, dala ko ang natutunan ko—na may pag-asa, dahil may Diyos na tapat. May dahilan para ipagpatuloy, dahil may Diyos na kasama. At kahit gaano pa kalakas ang bagyo, hindi ako matatangay, dahil ako ay nakaangkla kay Kristo—I am held by hope, and forever anchored in Him.
AND FOR THAT MAY GOD BE PRAISED. 🙌🙌🙌
